Nagpahayag ng respeto, papuri at buong suporta si dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon “Bebot” Alvarez sa pagkalas ni Vice President Sara Duterte sa gabinete ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., matapos itong magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ipinagmalaki ni Alvarez na ang mga inisyatibang inilatag ni Duterte sa sektor ng edukasyon ay siguradong magdudulot ng pangmatagalang positibong epekto sa mga guro at mag-aaral.
Para kay Alvarez, ang hakbang ni VP Sara ay tila pagkawala sa tanikala ng mga taong nagpapanggap na handang makipagtulungan sa kanya pero nagtatanim pala ng patibong para matiyak na hindi sya magtatagumpay.
Diin ni Alvarez, ngayon ay mas marami ng paraan si VP Sara para mapaglingkuran ng mahusay ang taumbayan at pwede rin itong maging kinatawan ng totoong oposisyon na magsisilbing tagapagbantay sa mga kakulangan o pagmamalabis ng Marcos administration.
Tinukoy ni Alvarez na base sa mga survey ay mas maraming boto ang nakuha ni VP Sara kumpara kay President Marcos noong 2022 national elections at patuloy itong nagiging malakas na syang dahilan kaya ginagawan ito ng isyu ng maraming politiko.
Giit pa ni Alvarez, ang resignation ni VP Sara ay isang indikasyon ng tunay na lakas ng karakter nito na kapareho ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya sila ay parehong minamahal ng mamamayang Pilipino.