Kinilala ang nasawi na si Jander Allam, 24-taong gulang, walang asawa, at residente ng San Juan, San Mariano, Isabela.
Habang ang mga sugatan na estudyante na edad 17 at 15 taong gulang na lulan ng pampasaherong jeepney ay pawang mga residente ng Guibang, Gamu, Isabela.
Sa ating panayam kay PMaj Juneil Perez, ang hepe ng Naguilian Police Station, bandang 11:40 ng umaga nitong ika-27 ng Oktubre sa kahabaan ng National Highway ng Barangay Magsaysay, Naguilian, Isabela nang maganap ang aksidente na kinasangkutan ng Nissan Patrol, Pampasaherong Jeep, at Toyota Fortuner.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang binabaybay ng Nissan Patrol ang national highway sa nabanggit na lugar, ay aksidenteng kumalas ang tali na kumokonekta sa improvise trailer at sa naturang sasakyan na sakay ng biktima at anim na mga tupa.
Nang matanggal ang nasabing trailer ay tumama ito sa paparating na jeep at pumailalim naman ang biktima sa kasalubong na Toyota Fortuner.
Agad na isinugod ang dalawang estudyante sa Providers Medical Center sa nasabing bayan at kasalukuyan ng nagpapagaling.
Agad na binawian ng buhay si Allam matapos na magtamo ng matinding sugat sa ulo.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung mayroong involvement ang Fortuner sa nasabing aksidente matapos na pumailalim ang biktima sa sasakyan.
Nasa kustodiya pa rin ng pulisya ang drayber ng Nissan Patrol na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries and Damage to Properties.