Manila, Philippines – Nakakalungkot isipin na mayroon paring mga alipin sa kasalukuyan. Ito ang sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ayon kay Archbishop Tagle, marami pa rin kasi ang alipin ng iligal na droga, kahirapan, korupsyon at kapangyarihan sa bansa.
Dahil dito ayon kay Tagle, huwad ang kalayaan kung pinaglalaruan ang katarungan.
Gayunpaman, nagpaabot naman ng pasasalamat si Tagle sa mga bayani na nagbuwis ng buhay noon upang maipamana sa atin ang kalayaang tinatamasa ng bansa ngayon.
Kasabay nito, nanawagan naman si Tagle sa mga Pilipino na humingi ng tawad sa Diyos at huwag magpadala sa galit.
Nanawagan rin si Tagle sa mga mambabatas na pag-aralan muli ang batas na nagtatakda sa pagbili, paggamit at pagbibenta ng baril dahil baka dumating aniya ang panahon na mas madali pang makabili ng baril kaysa bigas.