Karanasan ang nag-udyok sa amin na magserbisyo sa mga Pasigueño – Sarah Discaya

Mahirap na karanasan ang nag-udyok sa aming pamilya upang tumulong at makapagserbisyo  sa mga Pasigueño upang mabigyan sila ng mas magandang buhay.

Sa isang panayam ay sinabi ng Pasig mayoralty aspirant na si Sarah Discaya na bago pa man sila magkaroon ng magandang buhay ay naranasan muna nila ang buhay na walang-wala, o yung buhay na sobrang naghihikahos.

Sinabi niya na upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya ay una silang nagsimula sa maliit na construction project kapalit ng maliit na halaga na para umano sa kanila ay isa ng ‘malaking nang achievement.’


Bago pa man umano nila napasok ang mundo ng pangunguntrata ay una nilang naranasan na pumasok sa iba’t ibang industriya katulad ng pananahi.

Kanyang ininahagi sa nasabing interbyu na naging panandaliang English teacher din siya at rumaraket bilang taga-benta naman ng bubong ang kanyang asawa na si Curlee. “At naranasan din po namin ang mangutang ng pera upang matustusan ang aming mga pangangailangan pati na ang edukasyon ng aming apat na anak,” pagtatapat ni Discaya na kilala bilang Ate Sara na taga-taguyod ng charity works sa nagdarahop na mga lugar sa Pasig.

Base sa kuwento ni Sarah ay sinuong niya ang bagyo at baha noong bagyong Ondoy upang makuha lamang ang perang pambayad sa tuition fee ng kanyang nag-aaral na mga anak.

“Nararamdaman namin kung ano ang nararamdaman ng mga taong walang-wala. Dahil doon mas madali namin silang maunawaan, maintindihan, at matugunan ang kanilang mga pangangailangan,” sambot naman ng asawa niyang si Curlee.

Isinalaysay rin ni Sarah kung paano at ano ang dahilan kung bakit napalapit ang kanilang pamilya sa mga Pasigueño na nangangailangan ng atensyong pang-medikal.

Ayon sa kanya, ang kanyang apat na anak ay may Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD) at kailangan umanong sumailalim sa therapy. Dahil sa kahirapan ng buhay ay hindi nila alam kung saan kukunin ang pampapagamot at pambili ng gatas o diaper para sa mga ito dahilan upang mangutang at manghingi sila ng suporta sa kanyang mga magulang noon.

Kaugnay nito, sinabi ni Sarah na ramdam at alam niya ang pangangailangan ng mga Pasigueño dahil una niyang pinagdaanan at naranasan ang mga ito bago pa man sila naging matagumpay sa kanilang negosyo.

“People-oriented person ako noon pa man, ako ay palaging nalalapitan. Gusto kong magbigay ng pag-asa sa mga taong nangangailangan,” sabi niya.

Dahil sa biyayang natanggap ng kanilang pamilya ay nais umano nilang ibalik ito sa masa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga Pasigueño.

Sa pangunguna ni Sarah, palaging dinudumog ng mga Pasigueño ang handog nilang medical mission sa iba’t ibang panig ng Pasig, tinangkilik ng mga kabataan ang kanilang mga youth forum, at patuloy na nagbibigay ng libreng gamot, wheelchairs, at anumaring uri ng tulong na hinihingi ng mga taong lumalapit sa kanilang charity foundation..

Hindi naman ipinagsawalang-bahala ng mga Pasigueño ang pagsisikap at malasakit ng mag-asawang Sarah at Curlee para sa publiko lalo na sa mga Pasigueño at mga pamilyang nasa laylayan ng lipunan.

“Napakabait ni Ate Sarah. May malasakit at puso para sa mga mahihirap dahil minsan din silang napunta sa laylayan ng buhay,” sabi ng isa sa mga netizens na nag-komento sa naturang interbyu.

Samantala, kamakailan lamang ay kinilala bilang Outstanding Non-Government Organization of the Philippines ang St. Gerrard Charity Foundation, na pinamumunuan ni Discaya, sa Gawad Pilipino Lingkod Bayan Awards 2024 bunsod ng katapatan nitong pagtulong sa mga nangangailangan.

Facebook Comments