Iginiit ng Department of Health (DOH) na kailangan pa ng masusing pag-aaral kasunod ng pagkamatay ng ilang matatanda sa Norway matapos maturukan ng Pfizer vaccine.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, patuloy na iniimbestigahan ng Norwegian authorities ang insidente.
Nakikipag-ugnayan din ang Pilipinas sa Pfizer para sa update sa resulta ng imbestigasyon.
“Ngayon sa Norway nagkaroon sila ng konting revisions sa kanilang patakaran sa pagbakuna dahil ginamit nila ito doon sa talagang matanda na,” paliwanag ni Vergeire.
Dahil sa insidente, sinabi ni Vergeire na nabigyan pa ang Pilipinas na i-evaluate ang sitwasyon para maiwasan ang kaparehas na insidente kapag inilunsad na ang vaccination sa bansa.
“Magiging maingat tayo at hindi babakunahan ang may history of severe allergies at itong pangalawa, ‘yong matatanda, mahihina ang katawan ay hindi maaring bigyan ng bakunang ito,” ani Vergeire.