Karapatan at kapakanan ng mga BPO workers, dapat irespeto sa gitna ng pananalasa ng mga kalamidad

Nananawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Business Process Outsourcing (BPO) companies na igalang ang kapakanan at karapatan ng mga empleyado sa gitna ng pagtama ng mga kalamidad.

Apela ito ni Elago kasunod ng balitang tuluy-tuloy ang operasyon ng mga BPO companies sa kabila ng matinding hagupit ng kalamidad at pagkakaroon ng malawakang pagbaha, pagkawala ng kuryente at delikadong pagbyahe.

Diin ni Elago, hindi waterproof ang mga manggagawa, at may karapatan silang tumanggi na pumasok sa trabaho kung may nakaambang panganib tulad ng kalamidad.

Ayon kay Elago ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga manggagawa ay iniuutos ng DOLE Labor Advisory No. 17, s. 2022 at ng Occupational Safety and Health Law.

Una rito ay isinulong ni Elago na maimbestigahan ng Kamara ang napaulat na pagpilit sa mga BPO employees sa Cebu na agad bumalik sa trabaho ilang minuto matapos ang pagtama ng malakas na lindol kamakailan.

Facebook Comments