Manila, Philippines – Ipamamahagi ng Department of Education (DepEd) sa mga child protection specialist ng DepEd ang isang libo at limang raang, training course manual na naglalayong maproteksyunan ang karapatan at kapakanan ng mga kabataan.
Sa loob ng nasabing manual, nakapaloob ang mga programa, module at batas na sumasaklaw sa pagprotekta sa mga kabataan kontra-karahasan, exploitation at diskriminasyon.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Legal Affairs Alberto Muyot, batid nila na para maisakatuparan ang epektibong teaching- learning environment, dapat ay napo-proteksyunan ang karapatan ng mga kabataan.
Umaasa aniya ang DepEd, na sa pamamagitan ng programang ito, matutulungan ang mga guro, school officials at mga magulang na maisulong at mailayo ang mga kabataan sa ano mang porma ng pang-aabuso.