Iginiit ni Albay Representative Edcel Lagman na hindi dapat masakripisyo ang kalayaan ng publiko para sa pagsusulong ng national security.
Ang pahayag ay kasunod ng kaniyang paghahain noong Lunes ng petisyon sa Korte Suprema para ipawalang- bisa ang Anti-Terrorism Act of 2020 o RA 11479.
Kasabay nito ay sinabi ni Lagman na malaki ang tiwala niya sa Korte Suprema sa pagpapairal nito sa Konstitusyon bunsod ng mga probisyon sa batas na lumalabag sa karapatan at kalayaan ng mga tao.
Paglilinaw ng kongresista, hindi niya tinututulan ang paglaban sa terorismo ngunit kaniyang hinahadlangan ang paggamit ng takot sa terorismo na nauuwi na sa pagsupil sa mga pangunahing karapatan tulad ng free speech at right to dissent, freedom from arrest without judicial warrant, privacy of communication, security of property at freedom of association.
Binigyang- diin pa ng mambabatas na obligasyon ng estado na tiyaking naisusulong ang pambansang seguridad at proteksyon ng mga pangunahing karapatan at hindi dapat ito pinagbabangga sa ilalim ng batas.