Tiniyak ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na igagalang nila ang karapatang pantao ng bawat indibidwal habang ipinatutupad nila ang batas.
Ayon kay NCRPO Acting Regional Director Vicente Danao Jr., hindi umano nila kukunsintihin ang mga abusadong pulis laban sa mga ordinaryong mamamayan.
Paliwanag ni Danao, prayoridad niyang respetuhin ang karapatang pantao ng bawat indibidwal at hindi umano siya papayag na ang mga mamamayang Pilipino ay aabusuhin ng mga pulis.
Hinikayat ni Danao ang mga mamamayang Pilipino na isumbong sa NCRPO hotlines ang mga umaabusong pulis.
Nagbabala rin ang hepe ng NCRPO sa lahat ng mga District Directors, lalong-lalo na ang mga Chief of Police at Station Commanders, na gawin nila ang kanilang trabaho nang mabuti kung hindi ay magsasagawa siya ng pagbalasa.