Manila, Philippines – Inilabas na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga alituntunin sa pangangalaga ng Pinoy domestic helper na nais magtrabaho sa Kuwait.
Ayon kay Labor Attache´ Resty Dela Fuente, binuksan na nilang muli sa Kuwait ang pagpoproseso sa mga aplikasyon ng mga nais magtrabaho bilang kasambahay doon.
Sa memorandum circular ng POEA, kabilang sa nakasaad ang karapatan ng mga OFW na malayang makapagsumbong sa mga ahensiya ng Kuwait at Pilipinas kapag may nangyayaring pang-aabuso.
Kailangan ding payagan ng employer ang mga OFW na magkaroon ng cellphone o anumang communication device para makausap ang kanilang mga kaanak at ang otoridad.
Hindi rin dapat hawakan ng mga employer ang passport ng mga domestic worker.
Gayunman, hindi sinabi ni Feunte kung ano ang magiging parusa sa mga employer na hindi tutupad sa kontrata.
Aniya, mayroon namang batas ang Kuwait na naayon kung hindi tutupad sa kasunduan ang among dayuhan.
Tiniyak rin ni Dela Fuente na mahigpit nilang imo-monitor kung naipatutupad ang mga alituntunin sa pagtanggap ng mga OFW.