Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na gagalangin nila ang karapatang pantao sa isinagawang imbestigasyon sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito’y matapos na bawiin ng isa sa mga suspek na si Jhudiel Rivero alyas “Osmundo Rivero” ang kanyang sinumpaang salaysay at sinabing tinorture umano siya para aminin ang kanyang partisipasyon sa krimen at ituro si Congressman Arnulfo Teves bilang mastermind.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Brig. Gen. Red Maranan, istriktong ipinapatupad ang karapatang pantao sa bawat police operational procedures.
Aniya, mayruong human rights desks ang PNP sa lahat ng kanilang himpilan kung saan maaring lumapit ang sinumang indibidwal na mayruong concerns o reklamo.
Naniniwala rin ito na mas binibigyang diin ng korte ang objective facts at scientific findings bilang pundasyon ng malakas na kaso.
Ngayong naisampa na ang mga kaso, sinabi ng PNP na tiwala sila sa sistema ng hudikatura upang maigawad ang hustisya sa mga biktima at kanilang naulilang pamilya.