Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na walang dapat sisihin si Senador Antonio Trillanes IV kundi ang kanyang sarili.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng pahayag ni Senador Trillanes na malinaw na panggigipit ang ginagawa sa kanya na ng administrasyon matapos maglabas ng warrant of arrest ang Makati RTC.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi nila maintindihan kung bakit sumisigaw ng panggigipit ang senador pero alam naman ng lahat kung ano ang ginawa nito sa Oakwood at sa Manila Peninsula.
Sinabi pa ni Roque na kung sumunod lang si Trillanes sa proseso ng paga-apply ng amnestiya ay hindi naman ito nangyayari sa kanya ngayon.
Binigyang diin pa ni Roque na kung nakapagtago lang at nakapagpakita lang si Trillanes ng kanyang amnesty application ay walang ganitong sitwasyon ngayon na pinagdadaanan si Trillanes.