KARNE NG BABOY NA NAGMUMULA SA SLAUGHTERHOUSE NG MANGALDAN, TINIYAK NA NEGATIBO SA ASF

Tiniyak ng National Meat Inspection Service (NMIS) na ligtas at negatibo sa sakit na African Swine Fever o ASF ang mga baboy na kinakatay mula sa Municipal Slaughterhouse ng Mangaldan bago ibagsak sa kanilang pamilihan.

Kinumpirma ito mula sa lumabas na resulta sa nakolektang blood samples ng tanggapan sa mga baboy sa naturang katayan at lumabas na walang kaso ng ASF sa mga baboy.

Bahagi ang nasabing pagsusuri ng practicum module para sa mga kalahok ng Training on Animal Health Care and Management Batch 1 na isinagawa ng Department of Agriculture (DA) Agricultural Training Institute-Regional Training Center 1 (ATI-RTC 1).

Nagbigay katiyakan din ang lokal na pamahalaan na sila ay nakikipag ugnayan sa mga tanggapan na may kinalaman sa pagpapanatili ng kaligtasan, kalidad, at kalinisan ng mga karneng baboy na ibinibenta sa pampublikong pamilihan.

Patuloy din ang monitoring ng Municipal Agriculture Office para sa pagpapaigting ng kanilang biosecurity at kalusugan ng mga hayop upang masigurong walang maitatalang kaso ng ASF sa bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments