KASADO NA | Mga kandidato sa pagka-Chief Justice, sasalang na sa public interview

Manila, Philippines – Kasado na ang public interview ng Judicial and Bar Council (JBC) bukas sa limang mga kandidato para sa punong mahistrado.

Ito ay matapos mabakante ang Chief Justice post matapos mapatalsik sa pamamagitan ng quo warranto petition si Maria Lourdes Sereno.

Ang limang sasalang sa public interview ay sina: SC Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro, Diosdado Peralta Lucas Bersamin, Andres Reyes Jr., at Judge Virginia Tejano-Ang ng Tagum City, Davao del Norte Regional Trial Court Branch 1.


Ayon sa Korte Suprema, sasalang sa panayam sa umaga sina Bersamin, Castro at Peralta, habang sa hapon naman ay nakatakda sina Reyes at Tejano-Ang.

Ang JBC ang sumasala sa mga kandidato sa mga posisyon sa Hudikatura at nagsusumite ng shortlist kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, mayroong 90 araw para magtalaga ang pangulo ng bagong punong mahistrado magmula nang mabakante ito noong June 19.

Facebook Comments