Manila, Philippines – Itinakda ng Judicial and Bar Council (JBC) sa July 20 ang botohan para sa mga aplikante sa pagka-Ombudsman na mapapasama sa shortlist na isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, posibleng hindi kumpleto ang membership ng JBC na boboto.
Nakatakda na kasing magtapos sa July 7 ang apat na taong termino ni Atty. Jose Mejia, JBC Regular Member na kumakatawan sa academe.
Dahil dito, anim na mga myembro lamang ng JBC ang inaasahang lalahok sa botohan kung hindi maihahabol sa July 20 ang reappointment ni Mejia o ng makakapalit niya sa pwesto.
Mula sa isusumiteng shortlist ng JBC, pipili si Pangulong Duterte ng hihiranging bagong Ombudsman kapalit ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na magreretiro na sa July 26, 2018.
Kasama sa mga aplikante sa posisyon sina Labor Secretary Silvestre Bello III; Sandiganbayan Associate Justice Efren Dela Cruz; Atty. Edna Batacan; Atty. Rey Ifurung, Atty. Rainier Madrid, Supreme Court Associate Justice Samuel Martires; Dating Sandiganbayan Presiding Justice at kasalukuyang Ombudsman Special Prosecutor Edilberto Sandoval; Atty. Felito Ramirez, Atty. Rex Rico at Davao Regional Trial Court Judge Carlos Espero.