Pinadodoble ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang bilang ng mga senador upang mai-akma sa kasalukuyang bilang ng populasyon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes para sa pag-amyenda ng Saligang Batas, iminungkahi ni Enrile na gawing doble ang bilang ng mga senador sa 48 mula sa kasalukuyang na 24 na mga senador.
Paliwanag ni Enrile, nang buuhin at maitatag ang 1935 Constitution, itinakda ang paghahalal ng 24 na senador at sa panahon noon ay nasa 12 milyon pa lamang ang bilang ng mga Pilipino na malayo sa mahigit 100 milyong populasyon ngayon.
Dahil sa lumalaking bilang ng populasyon ay nararapat lamang na doblehin o gawing 48 ang mga senador.
Sa rekomendasyon ni Enrile, ang 16 mula sa 48 senador ay papalitan kada ikalawang taon sa pamamagitan ng halalan nang sa gayon may mga papasok na bago, fresh at modernize mind na makakatulong sa intellectual capability ng mga nakaupong miyembro ng Senado.
Dagdag pa ni Enrile, delikado ang ginawa sa 1987 Constitution kung saan kalahati mula sa 24 na senador ay inihahalal tuwing ika-anim na taon.
Hindi aniya naintindihan na kaya sa ilalim ng 1935 Constitution ay walo lang na senador ang pinapalitan sa pamamagitan ng eleksyon tuwing ikalawang taon ay para oras na magkaroon ng pananakop, rebelyon, pandemya at iba pang emergency ay mayroon na agad nakaupong 2/3 na mga senador sa Mataas na Kapulungan.