Kasalukuyang bilang ng naitalang fireworks-related injury sa Quezon City, mas mababa kumpara noong nakaraang taon

Mas mababa ang kasalukuyang bilang ng naitalang fireworks-related injury (FWRI) sa Quezon City ngayong taon kumpara noong 2024.

Batay sa pinakahuling datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QC-ESD), siyam na kaso ng FWRI ang naitala sa lungsod mula December 21 hanggang December 28.

Katumbas ito ng 55 porsiyentong pagbaba kumpara sa bilang ng mga insidente sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Tatlo sa mga kaso ay mula sa Barangay Baesa, habang tig-iisang kaso naman ang naitala sa Barangay Commonwealth, Culiat, Matandang Balara, Holy Spirit, Kaligayahan, at San Bartolome.

Sa siyam na biktima ng paputok, walo ay lalaki at isa ay babae.

Pito sa mga ito ang may passive involvement o nadapuan lamang ng paputok, habang dalawa ang direktang humahawak ng paputok nang mangyari ang insidente.

Muling nagpaalala ang Quezon City local government na iwasan ang paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon at gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay gaya ng tambol, torotot, at musika.

Pinayuhan din ang publiko na agad magtungo sa pinakamalapit na ospital sakaling maputukan upang mabigyan ng agarang lunas.

Facebook Comments