Pinawi ng isang infectious disease expert ang pangamba ng publiko na hindi gumana ang COVID-19 vaccine na mayroon ngayon laban sa bagong strain ng coronavirus na unang na-detect sa United Kingdom.
Sa isang panayam, sinabi ni Philippine College of Physicians President Dr. Mario Panaligan na marami namang antibodies ang made-develop kapag nabakunahan ang isang tao kaya posible pa ring malabanan ang bagong strain ng COVID-19 kahit na nag-mutate ito.
Aniya, natural lang sa mga virus na mag-mutate.
Sinasabing ang bagong strain ng coronavirus ay may 70% transmissibility kumpara sa virus na nagdudulot ng COVID-19.
Gayunman, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na wala pang ebidensya na maaaring magdulot ang bagong variant ng mas severe na kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, muling nagpaalala ang Department of Health at mga medical expert na paigtingin ang pagsunod sa minimum health protocols.