Kasalukuyang estado ng mga pampublikong istruktura sa bansa, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Matapos yanigin ng malakas na lindol ang bahagi ng Mindanao, ay isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan na imbestigahan ang kasalukuyang estado ng mga pampublikong istruktura sa bansa.

Nakapaloob ito sa House Resolution 1476, na inihain ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, ACT-CIS Party-list Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Cong. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.

Sa kanyang privilege speech, ay binigyang diin ni Congressman Erwin Tulfo na napapanahon na upang bisitahin ang ating national building code at iba pang mga batas hinggil sa standards sa paggawa ng mga gusali at imprastraktura hindi lang ng gobyerno kundi pati ng sa pribado.


Ayon kay Tulfo, dapat ang ating mga gusali at imprastraktura ay kayang sumagupa sa mga bagyo na kahit higit 300 kilometers per hour ang hangin at lindol na hanggang magnitude 8 ang lakas.

Kaugnay nito, ay hiniling din ng nabanggit na mga mambabatas ang agarang rehabilitasyon at pagsasa-ayos sa nasirang mga istruktura kung saan dapat siguraduhin na hindi ito substandard quality.

Facebook Comments