Kasamahan ng Tatlong Biktima ng Pagdukot, Labis ang Takot sa mga Armadong Kalalakihan

1266

*Cauayan City, Isabela- *Ikinuwento ng tatlong lalaki na kasama sa mga pinadapa ng mga armadong lalaki ang kanilang naging karanasan at madukot ang tatlo pa nilang kasamahan huwebes ng tanghali (Pebrero 6, 2020) sa Brgy. Sta. Rita, Aurora, Isabela.

Ayon kay Ginoong Froilan Carabbacan, nagulat na lamang ito dahil biglang bumaba sa puting van ang mga lalaking armado ng matataas na kalibre ng baril at agad silang pinadapa at tinutukan ng mga baril.


Dagdag pa niya, tinatayang mahigit sa anim pa ang mga lalaking nagpadapa sa kanila dahil dalawang van at isang pulang sasakyan pa umano ang kasama ng mangyari ang insidente.

Ayon naman kay Domingo Francisco,tinutukan din siya ng M16 rifle kung kaya’t habang nakadapa ang mga ito ay todo ang pagdarasal na kanilang ginagawa.

Kaugnay nito, nasa 15 silang magkakasama ng maghakot ng palay subalit nauna ng umuwi ang apat na kasamahan nila sa Bayan ng Naguilian.

Makaraan ang insidente ay agad na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga ito para ipaalam ang nangyaring sitwasyon habang patuloy na sinusuyod ang lokasyon ng mga dinukot nilang kasamahan na kinilalang sina Gil Gazzingan, Alfredo Francisco at Joseph Allisan.

Palaisipan pa rin sa mga biktima ang nangyaring insidente dahil wala naman umano silang nakakaalitan na grupo o indibidwal.

Sa kabilang banda, tiniyak naman ng pulisya na masusi nilang iimbestigahan ang insidente kasabay ng pagbuo ng Special Investigation Task Group na tututok sa Kidnapping.

Facebook Comments