Kasambahay sa Cauayan City Isabela, Bagsak sa Kulungan Matapos Magnakaw ng Pera!

Cauayan City, Isabela – Inaresto kahapon ng mga kasapi ng PNP Cauayan City ang isang kasambahay na tubong taga Palanan, Isabela matapos inireklamo ng pinapasukan nito sa Pamittan Street, District 1, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Sheryl Caracter Barbero, bente singko anyos na tubong residente ng Marikit, Palanan, Isabela habang ang biktima ay si Rosalinda Medina, limampu’t siyam na taong gulang at residente ng nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Cauayan City, kahapon lamang umano napansin ni Mrs. Medina na nabawasan ang perang nasa loob ng kanyang bag na naglalaman umano ng labing isang libong piso kung saan ay nabawasan at naging siyam na libong piso na lamang.


Dahil dito ay ipinaalam umano ng biktima sa kanyang anak na dalaga at tiningnan ang kuha ng kanilang CCTV at doon ay nakita na pumunta ang suspek sa living room at kinuha ang bag na may lamang pera.

Kaagad na itinawag ng biktima ang pangyayari sa PNP Cauayan at sa pagresponde ng mga pulis ay hinuli ang suspek at dinala sa naturang himpilan kung saan ay nihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments