Kasambahay, suspek sa natagpuang bangkay ng mag-asawang Chinese sa nasunog na bahay sa Cubao, Quezon City

Itinuturing ngayon na suspek ang kasambahay sa natagpuang bangkay ng mag-asawang Chinese sa loob ng kanilang bahay na nasunog kagabi sa Brgy E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Lumitaw kasi sa isinagawang imbestigasyon ni PCapt. John Agtarap, team lider ng QC-SOCO Forensic Unit, bukod sa duguan at mga tama sa ulo ang mag-asawang sina Jose Arsenio at Elizabeth Dolliaga Chua, natagpuan din sa pinangyarihan ng krimen ang isang pipe wrench, dumbbell at isang kitchen knife habang nasamsam sa kamsambahay na si Marilyn Pandita ang isang ice pick, plane ticket, cash money na nasa handbag at iba pang personal na gamit.

Sinabi rin sa report, habang iniimbestigahan sa loob ng barangay hall ang suspek ay nagkaroon ito ng pagkakataon na tumakas pero nahabol at nadakip ito ng mga barangay tanod sa kanto ng 15th Avenue at P. Tuazon Avenue, Brgy. Socorro, Quezon City.


Bago dito, dakong alas-8:45 kagabi ng makita ng residente na si Aileen Santos ang usok sa bahay ng mga biktima sa No.88-A Stanford St., Brgy E. Rodriguez at agad itinawag sa barangay na siyang nag-report sa BFP.

Ang mga labi ng mag-asawa ay dinala sa Arlington Funeral Homes, habang ang suspek ay isasailalim sa masusing imbestigasyon ng pulisya.

Facebook Comments