Batay sa ulat na inilabas ng Guru Press Cordillera, nangyari ang insidente bandang alas 7:00 ng umaga nitong Sabado de Gloria, Abril 16, 2022 habang bumabaybay sa kahabaan ng brgy. Ipil ang kanilang babaeng staff patungo sa brgy. Dagupan.
Sa kwento ng biktima, nang siya’y makarating sa old Police Substation ng brgy Ipil, biglang umanong nag-cut sa kanyang dinadaanan ang dalawang sakay ng motorsiklo na nakasuot ng tinted na helmet.
Bumaba ang isang suspek at tinutukan ng baril ang biktima at inutusang umalis sa kanyang motorsiklo.
Nakiusap pa ang biktima na kunin nito ang kanyang cellphone sa motorsiklo subalit itinulak ito ng suspek at tuluyang tinangay ang motorsiklo ng biktima.
Agad namang naisumbong sa Bulanao Police Station ang insidente sa tulong ng dalawang indibidwal kaya agad na tumugon ang kapulisan at hinabol ang dalawang suspek.
Nang makarating sa Sitio Maledda, Ipil ang mga pulis ay nagpaputok ng baril sa isa sa mga suspek at iniwan ang kanilang getaway vehicle habang ginamit naman sa kanilang pagtakas ang ninakaw na motorsiklo ng biktima patungo sa Brgy. Bulo.
Narekober naman ng mga otoridad ang iniwang getaway vehicle ng mga suspek at tatlong (3) basyo ng bala ng Caliber 45.
Nagsasagawa pa rin ng hot pursuit operation ang pulisya para sa posibleng pagkakaaresto ng dalawang suspek.