Manila, Philippines – Historical injustice kay Andres Bonifacio, ipinabubukas kay pangulong Duterte ng kaniyang apo sa tuhod.
Nais ng apo sa tuhod ni Andres Bonifacio na kumustahin kay Pangulong Rodrigo Duterte ang liham nila na humihiling na muling pag-aralan ang kasaysayan ng bansa at itama ang historical injustice hindi lamang sa Supremo kundi sa mismong Katipunan.
Ang pahayag ay ginawa ni Atty. Gregorio Bonifacio, kasabay ng paggunita ngayong araw sa ika-154 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio.
Bagamat isinusulong na noon pang 1992, sinabi ni Bonifacio na sa ilalim ni Duterte ay muling pag-aralan at tingnan ang kasaysayan para kilalanin hindi lamang bilang Supremo si Andres Bonifacio kungdi bilang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Aniya, bago pa man ideneklarang kauna-unahang Pangulo ng bansa si Heneral Emilio Aguinaldo, mayron nang naitatag na grupo si Andres Bonifacio na tinawag na Haringbayan Katagalugan na siyang pinamumunuan nito.
Naniniwala ang apo sa tuhod ni Bonifacio na seryoso ang administrasyon ni Pangulong Duterte magkaroon ng pagbabago sa pamamahala sa gobyerno kaya nararapat aniya na maitama ang kasaysayan at magiging bukas sa pagbabago hindi lamang sa ekonomiya kungdi maging sa kultura.