Tama ba ang magsaya sa gitna ng bagyo?
Noong Hulyo 23, sa sports complex ng Calasiao, Pangasinan, isinagawa ang isang programa na naglalayong magbigay paalala sa mga evacuees na kahit na anong bagyong dumaan, may dalang pag-asa at kasiyahan pa rin ito.
Sa naturang lugar, nasaksihan ang mga bata na masiglang nagsasayaw, umaawit, at naglalaro — larawan ng kagalakan sa kabila ng unos. Ayon kay Aceey Jorge, isa sa mga tagapagpatupad ng programa, kanilang ipinaalala sa lahat ang mga patakaran sa evacuation center upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan. Bukod dito, higit sa lahat, pinaalalahanan nila ang mga taong naroroon na huwag matakot sa mga pangyayaring nagaganap.
Sa kabila ng matinding pagsubok na dulot ng malalakas na bagyo, naniniwala si Aceey na hindi ito dapat maging hadlang upang magpaabot ng ngiti at kasiyahan. Sa kanyang mga salita, “Huwag matakot sa nangyayari at magdasal lamang.”
Sa panahon ng bagyo, habang umiikot ang malalakas na hangin at bumabaha, ang pagtutulungan, pag-asa, at pananampalataya ang nagsisilbing ilaw na naggabay sa bawat isa upang harapin ang dilim. Tunay nga, sa gitna ng bagyo, ang ngiti at saya ay mga sandatang nagbubuklod at nagbibigay lakas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









