KASIYAHAN SA VIDEOKEHAN, NAUWI SA PANANAKSAK SA DAGUPAN CITY

Dalawang lalaki ang isinugod sa ospital matapos silang pagsasaksakin ng isang 18 anyos na construction worker sa isang tindahan sa Dagupan City dakong 2:00 AM ng Disyembre 1, 2025.

Ang mga biktima, isang 32 anyos at isang 23 anyos, kapwa mga helper/fish hauler at residente ng lungsod.

Ayon sa paunang imbestigasyon, ang mga biktima at ang suspek, kasama ang kani-kanilang tatlong kasamahan, ay magkakahiwalay na nag-iinuman sa loob ng tindahan. Habang kumakanta umano sa videoke ang isa sa grupo ng suspek, napansin nilang tumatawa ang grupo ng mga biktima. Inakala umano ng grupo ng suspek na sila ang pinagtatawanan, dahilan upang mag-init ang sitwasyon.

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ngunit agad namang naawat ng mga staff ng tindahan. Ilang sandali ang lumipas, muling nagkaroon ng gulo sa pagitan ng dalawang grupo. Sa gitna ng komosyon, lumabas ang suspek at pagbalik nito ay armado na ng matulis na bagay.

Dito na umano niya sinaksak ang unang biktima, na nagtamo ng tatlong tama ng saksak, habang ang ikalawang biktima—na nagtangkang tumulong sa kanyang kasama—ay nasaksak din at nagtamo ng dalawang tama ng saksak.

Agad na dinala sa ospital ang dalawang biktima para sa kaukulang paggamot. Samantala, naaresto ng mga pulis ang suspek at nahaharap ngayon sa kasong kriminal. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments