
Iginiit ni House Committee on Dangerous Drugs Chairperson Rep. Jonathan Keith Flores ang pangangailangan na imbestigahan ng Kamara ang kaso ukol sa nasabat na ₱6.7 billion na 990 kilos ng shabu sa Tondo, Manila.
Ang hirit na imbestigasyon ay nakapaloob sa House Resolution 307 na inihain ni Flores matapos i-abswelto ng Manila Regional Trial Court Branch 175 ang 29 na police officers na sangkot dito.
June 9, 2022 isinampa ang kaso laban sa mga nabanggit na pulis at ito ay ibinasura ng korte nito lamang Setyembre.
Ayon kay Flores, kailangang bisitahing muli ang kaso at alamin kung bakit ito na-dismiss sa kabila ng mahigpit na patakaran ng Department of Justice (DOJ) na palakasin ang case build-up upang humantong sa pagpapataw ng parusa.
Bukod dito ay nais ding malaman ni Flores kung nasaan na ang halos isang toneladang shabu at kung maaari pang i-apela ang kaso laban sa mga sangkot na pulis.









