Kaso laban kay dating Pangulong Aquino kaugnay sa Mamasapano incident, mahina ayon sa DOJ

Manila, Philippines – Kumbinsido si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mahina ang kasong inihain ng Tanggapan ng Ombudsman laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng insidente sa Mamasapano, Maguindanao nuong 2015.

Ayon kay Aguirre, masyadong maliit ang kasong usurpation of authority na paglabag sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code at paglabag sa Section 3-a ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Aquino.

Aniya, ang parehong kaso na may katapat na parusa na pagkabilanggo ng hanggang anim na taon ay bailable o maaring pyansahan.


Pero sa tanong kung ano nga ba ang dapat na ihaing kaso, sinabi ni Aguirre na hindi pa niya nababasa ang resolusyon ng Ombudsman, pero naniniwala siya na accurate ang naging findings ng anti-graft body.

Pagdating nga lamang sa kung ano ang dapat na kasong inihain, wala siya sa posisyon para magkumento.

Magkagayunman, naniniwala ang kalihim na ang findings ng anti-graft body sa kriminal na pananagutan nina Aquino at dating PNP Chief Alan Purisima ay nangangahulugan na vindicated o abswelto si Dating PNP Special Action Force Director Getulio Napenas Jr na dati niyang kliyente.

Nabatid na bago siya maupo bilang kalihim ng DOJ, si Aguirre ay naging abugado pa ni Napeñas.

 

Facebook Comments