Kaso laban kay Supt. Marvin Marcos, tuloy pa rin ayon sa DOJ

Manila, Philippines – Bagamat balik serbisyo na ang kontrobersyal na si PSupt. Marvin Marcos, hindi nangangahulugan na tuluyan na itong abswelto sa kaso.

Ayon kay Justice Usec. Erickson Balmes, tuloy pa rin ang pag-usad ng kasong homicide sa Baybay City RTC laban kay Marcos at sa mga kasaman nitong pulis na akusado sa pagpatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr at kapwa nito inmate na si Raul Yap.

Una na ring ipinaliwanag ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na ibinalik lamang sa kanilang trabaho sina Marcos matapos ang apat na buwang suspensyon na ipinataw ng PNP Internal Affairs Service bilang bahagi ng administrative penalty sa mga ito.


Matatandaan na nagawang makapag-piyansa ni Marcos at nang grupo nito matapos ibaba ng DOJ sa homicide na isang bailable offense ang orihinal na kasong murder.

Kasunod nito naniniwala ang DOJ na hindi pre-meditated ang pagpatay kina Espinosa at Yap.

Taliwas ito sa naging kongklusyon ng Senate Committe committee on public order and dangerous drugs na talagang pinagplanuhan na tapusin si Espinosa noong November 2016 na isa sa sinasabing drug lord sa Visayas region.

Facebook Comments