Kaso vs 16 contractors na sangkot sa flood control anomalies, iniurong ng CIAP

Nagpaliwanag ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pag-urong ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) sa pagsasampa ng kaso laban sa 16 na contractors na sabit sa maanomalyang flood control projects.

Sa budget deliberation para sa DTI budget, kinumpirma ng ahensya sa pamamagitan ng sponsor nitong si Senator Imee Marcos na inurong ng CIAP ang kaso dahil mayroong imbestigasyon ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).

Paliwanag ni Sen. Imee, sinabi ng DTI na iniiwasan lamang ng CIAP ang duplikasyon ng imbestigasyon at ang PCAB ang may kapangyarihan na mag-utos ng suspensyon o pagbawi ng lisensya ng mga contractors.

Sa kabilang banda, hindi naman operational ngayon ang PCAB matapos na magbitiw ang mga board members dahil ilan sa mga ito ay sabit sa flood control project scandal at nasa dalawang posisyon pa lamang ang napupunuan.

Nangako naman ang CIAP na maglalabas naman sila ng desisyon sa susunod na linggo ukol sa kaso ng Wawao Builders at SYMS Construction na sangkot sa mga ghost flood control projects.

Facebook Comments