Isasampa na ngayong linggo ng pamunuan ng Barangay Holy Spirit ang patong-patong na kaso laban sa aktres na si Angel Locsin matapos ang maraming paglabag sa ginawa nitong birthday community pantry noong Biyernes.
Ayon kay Brgy. Chairman Felecito Valmocina, kabilang sa mga posibleng isampa laban sa aktres ay may kinalaman sa mass gathering, health protocols at kakulangan ng koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan ng magsagawa ito ng community pantry.
Base sa mga ipinakitang ebidensya ng kapitan, nag-post umano si Locsin sa kanyang social media account na mamimigay siya ng ayuda kasabay ng kanyang kaarawan, subalit hindi nakalagay kung ilang tao ang maaring mabigyan.
Sa pagtaya ng Barangay at Task Force Disiplina, umabot sa mahigit sampung libong katao ang nagtungo sa community pantry ng aktres, gayung 300 lamang pala ang maaring mabigyan ng grocery packs.
Samantala, tinanggap na ni Kap. Valmocina ang paghingi ni Locsin ng paumanhin ngunit ipauubaya raw nito sa batas ang kaso ng aktres.