Makakasuhan ang mahigit 40 opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa kontrobersiyal na “Pastillas Scheme”.
Ito ang tiniyak ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval kasunod ng nangyaring face-off sa pagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga tauhan ng BI na sinasabing tumatanggap ng suhol para mabilis na makapasok sa bansa ang mga Chinese national.
Sa nasabing paghaharap, sinermunan at sinabon nang husto ng Pangulo ang mga tauhan ng BI kung saan muntik pa silang pakainin ng nakarolyong papel na pera na kamukha ng pastillas.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Sandoval na nagpapakita lang ito na seryoso ang Pangulong Duterte sa kampanya niya laban sa korapsyon sa pamahalaan.
Aniya, nagkausap na sina BI Commissioner Jaime Morente, NBI-OIC Chief Eric Distor, Justice Sec. Menardo Guevarra at ang Pangulo kung saan tiyak na masisibak at makakasuhan ang mga sangkot sa nasabing modus.
Aminado si Sandoval na nalulungkot sa nangyayari sa ahensya lalo na’t maraming nang nabago sa BI pero natabunan lahat ito dahil sa isyu ng Pastillas Scheme.