Kaso laban sa isang PNPA cadet dahil sa mauling incident, inihahanda na – PNP

Ipinag-utos na ng Philippine National Police (PNP) ang paghahain ng administrative charges laban sa kadete ng PNP Academy (PNPA) na inatake ang kapwa kadete sa bisperas ng Bagong Taon.

Sa ulat, ginulpi ni Cadet First Class Denvert Dulansi si Cadet First Class Joab Mar Nacnas sa isang school building roof deck sa Camp Castañeda, Silang, Cavite.

Binalaan kasi ni Nacnas si Dulansi at ang kasama nitong dalawa pang first class cadets matapos silang mahuling umiinom ng alak.


Dito na nagkaroon ng mainit na pagtatalo na nauwi sa insidente.

Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, hindi nila kukunsintehin ang anumang kamalian ng kanilang mga tauhan.

Hindi rin nila pinapayagan ang anumang misconduct, abuse o breach of discipline sa kanilang hanay.

Inatasan din ni Sinas ang Directorate for Human Resources and Doctrine Development na ilagay ang lahat ng kadeteng sangkot sa ilalim ng restriction habang inihahanda ang termination at dismissal proceedings.

Sa ngayon, nasa maayos na ang kalagayan ni Nacnas matapos siyang isugod sa ospital.

Facebook Comments