Kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian sa PhilHealth, ikinakasa na ng PACC

Kasamang dumadalo ngayon sa pagdinig ng Senado ukol sa mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) si Presidential Anti-Corruption Commission o PACC Commissioner Greco Belgica.

Ayon kay Belgica, magsasampa na sila sa Ombudsman ng kaso laban sa mahabang listahan ng indibidwal sa PhilHealth na kanilang iniimbestigahan at walang makakalusot.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa task force na binuo ng Pangulo para magsiyasat sa anomalya sa PhilHealth.


Sabi ni Belgica, marami silang iniimbestigahan na katiwalian pero PhilHealth ang pinaka- matindi kung saan 2 hanggang 3 bilyong piso na inilalabas nito kada linggo ay exposed sa corruption.

Pahayag ni Belgica, grabe ang nakawan sa PhilHealth na naisasagawa dahil sa kahinaan ng information technology at legal system nito.

Samantala, present sa hearing sa pamamagitan ng video conference si PhilHealth President Ricardo Morales.

Kumpleto rin ang tatlong testigo na kinabibilangan nina PhilHealth Board Member Alejandro Cabading, resigned Head Executive Secretary Etrobal Laborte at nagbitiw na Anti-Fraud Legal Officer Atty. Thorsson Montes Keith.

Sa pagdinig ay mariing itinanggi ni PhilHealth Senior Vice President for Fund Management Sector Renato Limsiasco na siya ay kasama sa umano’y mafia o sindikato sa ahensya.

Masama ang loob ni Limsiasco dahil nasira raw ang kanyang reputasyon dahil sa nabanggit na alegasyon na hindi naman nasuportahan ng ebidensya.

Facebook Comments