Kaso laban sa teacher ng Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City na nanampal at nakapatay ng Grade 5 pupil, inihahanda na ng pulisya

Kasong Homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang inihahanda na ngayon ng Antipolo City Police Station laban sa guro ng Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City na nanampal at nagresulta sa pagkamatay ng grade 5 pupil.

Ayon kay P/Executive Msgt. Divina Rafael, ang Chief ng Womens and Childrens Section Desk ng Antipolo City Police Station, direct filing ang pagsasampa nila ng kaso laban kay Teacher Marisol Sison.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang pananampal sa 14 anyos na si Francis Jay Gumikib noong September 20 sa loob ng eskwelahan.


Sabi ni P/EMS Rafael, nagawa raw ng guro na sampalin si Francis Jay dahil maiingay at magugulo ang mga estudyante.

Paliwanag ni Rafael, hinawakan ni Teacher Marisol sa buhok at saka sinampal sa may bahagi ng tenga ang binatilyo.

Lumalabas sa imbestigasyon na inabot pa ng ilang araw makalipas ang pananampal bago nadala sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang biktima dahil sa pananakit ng tenga, ulo at mata.

Pero sa kasawiang palad, pasado alas-10:00 ng umaga kahapon nang bawian ng buhay ang 14 anyos na si Francis Jay dahil sa blood clot o pamumuo ng dugo sa kanyang ulo.

Facebook Comments