Cauayan City, Isabela- Bumababa na ang bilang ng naitalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa buong Cagayan Valley region.
Ito ay ayon sa ulat ng Regional ASF Task Force sa isinagawang Management Committee (MANCOM) meeting ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02).
Ayon kay Dr. Manuel Galang Jr., Veterinarian III, nakapagtala lamang ng 22 na kaso ang buong buwan ng Mayo kumpara sa pinakamataas na 2,945 noong Enero 2021.
Partikular niyang tinukoy ang magandang pangyayari sa Isabela na walang naiulat na kaso ng ASF sa nakaraang limang buwan.
Aniya, ang pangunahing rason kung bakit bumaba na ang kaso ay ang pagiging edukado na ng mga mamamayan sa mga bagay tungkol sa ASF.
Sinabi ni Galang na ang pinakahuling naitalang kaso ay sa Zinarag, Aparri West, Cagayan na kung saan 21 ang apektadong baboy at kinabibilangan ng limang magsasaka.
Ipinunto rin nito na mabilis na ang ginagawang implementasyon ng Bantay ASF o Barangay Babay ASF mula sa mga probinsya hanggang sa munisipyo at barangay.
Samantala, hinihintay na lang ang pagbaba ng pondo na nagkakahalaga ng P161 milyon para ipamahagi sa mga apektadong magsasaka.
Sa repopulation program naman, sisimulan na rin ang delivery ng mga stocks upang maibigay na sa mga piling lugar para sa sentinelling scheme.
Pinapayagan naman na ang pag-aalaga ng baboy subalit magiging limitado lang ito sa mga napiling lugar.