Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang mga alegasyon ng sexual harassment ng ilang guro sa isang high school sa Bacoor, Cavite.
Pahayag ito ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa kasunod ng trending Twitter post kung saan isiniwalat ng mga estudyanteng naging biktima ng anim na guro ng Bacoor National High School – Main Campus ang mga pang-haharass sa kanila.
Mababatid na umani ito ng libu-libong likes at retweets kung saan kabilang sa laman ng thread ay ang mga screenshot ng mga usapan ng guro at estudyante sa Messenger na ipinapakita ang sexual advances at iba pang hindi angkop na kumento ng guro sa estudyante.
Ayon kay Poa, ito ay lubhang nakakabahala at siniguro nito na sineseryoso ng kagawaran ang isyu na ito.
Sa ngayon, hindi muna binigyan ng teaching load ang mga sangkot na guro habang gumugulong ang imbestigasyon ng Schools Division Office ng Bacoor at Regional Office hinggil dito.
Muling iginiit ng opisyal na hindi tinotolerate ng DepEd ang mga ganitong uri ng pang-aabuso sa mga paaralan.