Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Senado na imbestigahan ang nasa likod ng paggawa ng Filipino citizenship sa Chinese businessman na si Joseph Sy na naging daan para makapagnegosyo ito sa bansa at makapasok sa Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA).

Sa privilege speech ni Hontiveros, iprinisinta nito ang mga ebidensyang magpapatunay na pineke at minanipula ni Sy ang kanyang citizenship para makinabang sa mga pribilehiyong dapat ay para lamang sa mga Pilipino.

Ipinakita ni Hontiveros ang mga fingerprints ni Sy na nagtutugma sa fingerprints ng alien certificate registration identity card (ACR I-card) ng isang Chinese national na si Chen Zhong Zhen na nag-apply ng visa sa ilalim ng Republic Act 7919 o ang Alien Social Integration Act para makapasok sa bansa noong 1992.

Nasa website din si Sy ng FNI website kung saan makikita na Honorary Chairman siya ng Philippine Silk Road International Chamber of Commerce na may malalim na koneksyon sa Communist Party of China.

Bukod pa ito sa iba pang articles ng mga Chinese websites kung saan makikita na ipinanganak si Sy sa Donghua Village, Jinjiang City, Fujian Province sa China at tumulong pa ito sa hometown ng kanyang asawa na nagngangalang Gu Zhifang.

Dahil dito, hinimok ni Hontiveros ang Senado na siyasatin at i-review ang proseso at mga links na pinagdaanan ni Sy para makakuha ng mga dokumento at magkaroon ng pekeng Filipino identity gayundin para matukoy ang mga opisinang nagpalusot sa Chinese national.

Facebook Comments