Nagbabala ang OCTA Research Group ng posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa kaugnay ng nalalapit na holiday season.
Sa isang panayam, sinabi ni Prof. Guido David na pagdating ng holiday season, asahan nang maglalabasan ang mga tao kaya importante na mabilis ang pagresponde ng pamahalaan para maiwasan ang surge sa COVID-19.
Kaugnay nito, muling iginiit ni Guido ang istriktong pagsunod sa health protocols.
Pinaburan din ng grupo ang desisyon ng Metro Manila mayors na panatilihin sa General Community Quarantine (GCQ) ang NCR hanggang sa katapusan ng taon.
Makatutulong aniya ito upang mabalanse at makontrol kahit paano ang pagdagsa ng mga tao sa mga mall at pampublikong lugar.
Nabatid na nasa ika-22 pwesto ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng COVID-19.
Kahapon, nakapagtala lamang ang Department of Health (DOH) ng 987 new cases para sa kabuuang 388,137 COVID-19 infections sa bansa kung saan 31,679 ang aktibong kaso.