Sumampa na sa higit 50,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang record-high na 2,539 na bagong kaso.
Mula sa mga bagong kaso, 1,922 ang “fresh” o bagong validated cases at 617 ang “late” cases.
Sa kabuuan, aabot sa 50,359 ang kaso ng COVID-19 cases sa buong bansa, 12,588 ang gumaling at 1,314 ang namatay.
Nasa 36,457 ang active cases na sumasailalim sa treatment o quarantine.
Maraming fresh cases ang naitala sa Metro Manila (883 cases), 369 mula sa Region 7, ang 670 na iba pang pasyente ay nagmumula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagpaliwanag din ang DOH kung bakit naantala ang paglalabas nila ng COVID-19 report kagabi at ito ay dahil sa pagpapalit sa isang automated system.
Ang Pilipinas pa rin ang ikalawa sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong Southeast Asia kung saan nangunguna ang Indonesia na may 68,079 cases at nasa ikatlong pwesto ang Singapore na nasa 45,140 cases.