Cauayan City, Isabela- Nasa kabuuang 121 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Batanes ngayong araw, Setyembre 20,2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Marilou Cayco, patuloy pa rin ang kanilang ginagawang contact tracing sa posibleng nakasalamuha ng mga pasyenteng tinamaan ng virus.
Aniya,may pinakamataas na kumpirmadong kaso ang bayan ng Basco kung saan pumalo ito sa 94, sinundan ng bayan ng Uyugan na may bilang na sampu (10); may tig-anim naman na kumpirmadong kaso ang mga bayan ng Itbayat at Mahatao habang apat (4) sa Sabtang at isa (1) naman sa Ivana.
Ikinagulat rin ng Gobernador ang biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya sa kabila ng paghagupit ng nagdaang bagyong Kiko at ikinasira ng mga imprastraktura at agrikultura sa lalawigan.
Samantala, alinsunod umano sa DOH memorandum na lahat ng magpopositibo sa rapid antigen test sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Area gaya ng Batanes ay ikinokonsidera na rin umanong positibo sa COVID-19.
Tiniyak naman ng provincial government ang pagbibigay ng ayuda sa mga pamilyang apektado ng COVID-19.
Kaugnay nito, isasailalim ang probinsya sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na tatagal sa loob ng 14-araw.