Kaso ng COVID-19 sa buong mundo, posibleng sumampa na sa 10 milyon sa susunod na linggo – WHO

Inaasahan na ng World Health Organization (WHO) na posibleng umabot na sa 10 milyon ang kaso ng COVID-19 sa buong mundo sa susunod na linggo.

Ayon kay WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus, sinusuportahan na nila ang maraming bansa na nahihirapang makakuha ng oxygen concentrators, isang device na pinalalakas ang flow ng oxygen para suportahan ang paghinga ng mga nagkasakit sa COVID-19.

Bukod dito, suportado rin niya ang desisyon ng Saudi Arabia na pagbawalan muna ang mga pilgrim mula sa ibang bansa sa pagdalo ng taunang Haj pilgrimage para malimitahan ang pagkalat ng sakit.


Sinabi naman ni WHO emergencies program head Dr. Mike Ryan na ang pandemya sa maraming bansa sa Americas ay hindi pa naaabot ang peak, at nananatiling “intense” lalo na sa Central at South America.

Karamihan sa mga bansa sa rehiyon ay nakakaranas ng 25% hanggang 50% pagtaas ng kaso sa nakalipas na linggo.

Sa huling datos ng WHO, umaabot na sa 9,435,606 ang kaso ng COVID-19 sa buong mundo, 481,968 ang namatay, at nasa 5,097,084 ang gumaling.

Facebook Comments