Inihayag ng mga eksperto mula sa OCTA Research Team na maituturing na “hotspots of serious concern” ang Davao City at Baguio City dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Batay sa report ng OCTA, nakita nila ang pagtaas ng kaso ng virus sa dalawang syudad mula November 8 hanggang 14 kung saan umabot na rin sa critical level ang bilang ng mga pasyente sa kani-kanilang hospital.
Umabot sa 104 na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Davao City sa loob lamang ng anim na araw habang nasa 84% na ang occupancy ng mga hospital beds nito mula noong November 15 na mas mataas sa 70% critical threshold na inilatag ng Department of Health (DOH).
Nakapagtala naman ang Baguio City ng 44 na bagong kaso ng COVID-19 mula November 8 hanggang 14 kung kaya’t tumaas ang kanilang hospital occupancy ng 81%.
Dahil dito, nagbabala ang OCTA Research Team na kung hindi mapipigilan ang paglaganap ng virus, maaring maapektuhan ang kanilang healthcare services gayundin ang mga medical frontliners sa mga susunod na linggo.
Samantala, patuloy naman na bumababa ang bilang ng nagpopositibo sa COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Nakapagtala ang NCR ng positivity rate na 4% noong November 9 hanggang 15 kumpara sa 5% noong November 2 hanggang 8.
Gayunman, inirerekomenda pa rin ng World Health Organization (WHO) na ang positivity rate ay dapat mapanatili sa mas mababa pa sa limang porsyento.
Sa kabila ng nasabing resulta, itinuturing pa rin ang NCR na COVID-19 epicenter ng bansa.