Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila.
Sa datos ng Manila Health Department (MHD), nakapagtala ng 39 na bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila kaya’t ang kabuuang bilang ng aktibong kaso ay nasa 185 na.
Matatandaan na nitong mga nakaraang buwan, nakapagtala ng mababang bilang ng aktibong kaso ang lungsod ng Maynila na nasa 20 lamang.
Kung kaya’t dahil dito, paulit-ulIt na pinag-iingat ng Manila Local Government Unit (LGU) ang lahat ng kanilang residente maging ang mga hindi residente pero nagtatrabaho sa kanilang lungsod.
Naka-monitor ang MHD sa area ng Sampaloc matapos na makapagtala ng 36 na residente dito na tinamaan ng COVID-19.
Bukod sa Sampaloc, mino-monitor din ang mga lugar ng Tondo-1 na may 27 kaso; Malate-20; Sta. Cruz-18, Sta. Ana-17; Sta. Mesa-16; Paco at San Andres na kapwa nakakapagtala ng 12 bilang ng mga indibidwal na nahawaan ng COVID-19.
Sa kabila nito, muling hinihimok ng Manila LGU lahat na samantalahin na ang pagbabakuna lalo na ang booster shot na isinasagawa sa 44 health centers, 6 na district hospital, 4 na malls at sa Kartilya ng Katipunan.