Tumaas pa sa 90 kaso kada araw o katumbas ng 14% ngayong araw ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region o NCR.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David, na kumpara ito sa naitalang 79 kaso noong isang linggo, habang 63 kaso kada araw tatlong linggo na ang nakalipas.
Pero, ayon kay David, hindi pa ito na maituturing mataas at hindi kailangan maghigpit ang pamahalaan, pero aniya depende ito sa magiging sitwasyon sa mga susunod na linggo.
Dagdag pa ng eksperto, depende rin ito kung makakapagtala ng panibagong pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung saan pwede ring muling pag-aaralan ang mga ipinatutupad na alert level system sa bansa.
Pwede rin aniya maiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga kaso kung mas palalakasin ang pagbabakuna at booster shot kontra COVID-19 at mahigpit na pagsunod sa mga minimum health protocols.
Samantala, sinabi ni David na hindi pa kailangan ikaalarma ang naitalang pagtaas ng kaso ng sakit dahil nananatili pa ring nasa low risk classification ng COVID-19 ang NCR.