Kaso ng COVID-19 sa Taguig City, nadagdagan na naman

Nakapagtala na naman ng bagong kaso ng Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) ang lungsod ng Taguig ngayong araw, Hulyo 1, 2020.

Batay sa tala ng Local Health Department ng lungsod, 36 na mga bagong pasyente ang nagpositibo sa COVID-19.

Ito ay mula sa Bagumbayan, Calzada, Central Bicutan, Katuparan, Lower Bicutan, Pinagsama, South Daang Hari, Sta. Ana, Tuktukan at Wawa.


Dahil dito, muling umakyat ang kabuuang bilang ng confirmed cases sa Taguig dahilan para umabot na ito ng 887.

Mula sa nasabing bilang, 22 rito ay nasawi at 145 naman sa kanila ay mga gumaling na sa sakit na dulot ng virus.

Sa katunayan, noong Lunes, Hunyo 29, 2020, 21 ang bagong kaso ng COVID-19 sa Taguig at kahapon, Martes, meron naman 41 mga indibidwal ang infected ng virus.

Simula noong Enero 27, 2020 hanggang ngayong araw, Hulyo 1, 2020, mayroon nang 3,753 na suspected COVID-19 cases ang lungsod.

Panawagan ng lokal na pamahalaan ng Taguig sa mga residente nito, manatili sa loob ng bahay upang ligtas laban sa virus.

Facebook Comments