Cauayan City, Isabela- Pumalo na sa 187 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala ng Lungsod ng Tuguegarao sa Lalawigan ng Cagayan.
Ito’y matapos madagdagan ng isa (1) pang nagpositibo sa COVID-19, isang 48 taong gulang at binansangang si CV1685 na taga Atulayan Sur, Tuguegarao City.
Naka-admit ngayon ang pasyente sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Mula sa total confirmed cases sa Tuguegarao City, 68 dito ang aktibo, 117 ang gumaling at dalawa (2) ang namatay.
Kaugnay nito, inaayos na ang isa pang ospital sa Lungsod para sa mga bagong maitatala na positibo sa COVID-19 dahil hindi na rin kayang tumanggap ngayon ng CVMC ng mga bagong pasyente.
Samantala, hindi na sumang-ayon si Cagayan Governor Manuel Mamba sa pag-home quarantine ng mga asymptomatic na COVID-19 patient upang matiyak na walang ibang mahahawaan at hindi kumalat ang virus.
Pinayuhan din ng Gobernador ang mga emplyetado ng Kapitolyo na kung nakatira at galing sa ibang bayan ay huwag munang pumasok upang makaiwas sa pagkahawa sa COVID-19.