Nagbabala ang OCTA Research group na posibleng magkaroon ng panibagong bugso ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 kapag hindi nasunod ang safety protocols.
Ayon kay Dr. Guido David, miyembro ng grupo na mataas ang posibilidad na tumaas muli ang kaso ng COVID-19 sa bansa kapag pinayagan na ang mas maraming tao na lumabas ng kanlang mga bahay.
“Malaki ang risk na magkaroon ng surge ulit. Nakikita natin tumataas na ang mobility, dumadami na ang tao sa labas, at yung curfew hours at age limit ng pwedeng lumabas ay nabago na,” sabi ni David.
Bagama’t kailangan nang buksan ang ekonomiya, hinimok ni David ang ilang ‘non-essential’ sectors na huwag munang magbalik operasyon.
Ang responsibilidad sa pag-manage ng COVID-19 transmissions ay nasa kamay na ng mga lokal na opsiyal, maging ng publiko.
Mararamdaman ang epekto ng pagluluwag ng COVID-19 restrictions sa susunod na isa hanggang dalawang linggo.
“We are on the side of caution, lalo na kumakaunti ang kaso. Ang sa amin sana ay hintayin na lang sana natin na kumaunti pa lalo kasi nasa 900 cases per day na lang tayo sa Metro Manila. Hindi malayo na bumaba pa yan sa 500 to 600 kung sususundin lang natin ang mga ginagawa natin nung mga nakaraang buwan,” paliwanag ni David.
Hindi rin sila masusupresa kung tumaas muli ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila lalo na at nakikitaan din ng pagsipa ng kaso sa Rizal at Cavite.