Bumaba ang kaso ng dengue sa bansa ngayong taon.
Batay sa Dengue Surveillance Report ng Department of Health (DOH), ang dengue cases ngayong taon ay 46% na mababa kumpara sa kaparehas na panahon noong 2019.
Mula January 1 hanggang May 30 ngayong taon, aabot sa 50,169 dengue cases ang naitala, mababa sa 92,808 cases noong nakaraang taon.
Tanging dalawang rehiyon sa bansa ang mayroong pagsipa ng kaso ng dengue, ito ay ang Central Luzon na may 14% increase, at Central Visayas na may 3%.
Bumaba rin ang bilang ng mga nasawi sa dengue, mula sa 173 ngayong taon kumpara sa 452 noong 2019.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang pagbaba ng kaso ng dengue ay bunga ng mataas na kamalayan ng publiko hinggil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Vergeire na mahalagang hindi mahinto ang pagsunod sa preventive protocols.
Hinimok naman ni DOH Disease Prevention and Control Bureau Director, Dr. Napoleon Arevalo ang publiko na sundin ang “4S” para sa dengue prevention: Search and Destroy; Self-Protection; Seek Early Consultation; at Support Fogging.
Ang mga sintomas ng dengue ay lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng mga kalamnan, rashes, diarrhea, pagsusuka, at pagdurugo ng gilagid.