Kaso ng dengue sa bansa, muling tumaas nitong nakalipas na buwan

Inihayag ng Department of Health (DOH) na tumaas ng 30% ang naitalang kaso ng dengue sa buong bansa nitong nakalipas na Hunyo.

Sa datos ng DOH, nasa 8,213 ang kaso ng dengue na kanilang naitala nitong June 29.

Mas mataas ito kumpara noong May 19 hanggang June 1, 2024 na nasa 6,323 lang ang kaso.


Sa kabuuan, nasa 90,119 ang naitalang kaso ng dengue sa buong bansa mula pagpasok ng taong 2024 hanggang June 29, 2024.

Mas mataas ito ng 19% kung ikukumpara noong nakarang taon sa kaparehong panahon na nasa 75,978 lamang.

Nasa 233 na rin ang naitalang nasawi kung saan pitong rehiyon sa bansa ang nakakapagtala ng mataas na kaso ng dengue.

Ito ay ang MIMAROPA, Cagayan Valley, Western Visayas, Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, at National Capital Region.

Facebook Comments